Pansamantalang ititigil ng New People’s Army (NPA) ang opensiba laban sa tropa ng pamahalaan ngayong Semana Santa.
Ito ang inihayag ni Ka Oto, tagapagsalita ng Guerilla Front 16 ng NPA kung saan ipinag-uutos sa Bagong Hukbong Bayan at Milisya ng Bayan ang suspensyon ng kanilang opensiba laban sa militar ay pulisya simula sa Marso 28, Miyerkoles Santo hanggang Abril 1, Linggo ng Pagkabuhay.
Ito aniya ay bilang pagpapakita ng suporta at respeto sa mga Kristiyano upang makapag-obserba ng Semana Santa nang mapayapa at matagumpay.
Kasabay nito, ipagdiriwang din nila umano sa Marso 29 ang 49th founding anniversary ng Bagong Hukbong Bayan.
Sa kabila nito, inihayag ng Philippine National Police na maglulunsad pa rin ang kanilang hanay ng tactical offensive operation laban sa mga nalalabing miyembro ng NPA ngayong tag-init.
Ayon kay PNP Chief Ronald Dela Rosa, inatasan na niya ang lahat ng police regional director na magpalakas ng kanilang depensa lalo’t papalapit na ang anibersaryo ng rebeldeng grupo.
—-