Kinumpirma ng militar na mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang naka-engkwentro ng 39th Infantry Battalion sa bayan ng Makilala, North Cotabato, noong Sabado at Linggo.
Napatay sa sagupaan ang rebeldeng si Rojit Estampa Ranara, residente ng Sitio Patulangon, Barangay Zone 1, sa bayan ng Sta. Cruz, Davao del Sur.
Narekober ng mga sundalo sa encounter scene ang tatlong high-powered rifles at ilan pang gamit ng mga rebelde sa barangay Biangan.
Pawang mga miyembro ng Guerrilla Front 51-southern Mindanao Regional Committee ng NPA ang nakabakbakan ng mga tropa ng gobyerno.
Tinangka umanong mangikil ng mga rebelde sa ilang negosyante sa naturang lugar na agad namang nagsumbong sa mga sundalong naka-deploy sa Makilala.
Naganap ang engkwentro sa gitna ng ikatlong round ng peace negotiations sa Rome, Italy sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at National Democratic Front, na political arm ng Communist Party of the Philippines at NPA.
By Drew Nacino