Nakatakdang maglabas ng proklamasyon si Pangulong Rodrigo Duterte para ikunsiderang kriminal at terorista ang mga miyembro ng New People’s Army o NPA.
Iyan ay sa harap na rin ng sunud-sunod na pag-atake ng NPA sa mga sundalo gayundin ang ginagawang panununog ng mga ito sa mga kanayunan.
Sa isang pulong balitaan sa Davao City, kinumpirma ng Pangulo na tuluyan na niyang isinasara ang pintuan ng negosasyon sa mga komunista sa pamamagitan ng usapang pangkapayapaan.
Ayon sa Pangulo, ayaw na niyang makipag-usap pa sa mga rebelde kung ang tingin naman nito sa kaniya ay isang tiwaling opisyal at pasistang Pangulo.
Tila napuno na rin ang Pangulo sa mga militante na aniya’y nakikipag-sabwatan o kung hindi man aniya ay konektado sa mga komunista.
—-