Hindi magbababa ng armas ang New People’s Army o NPA.
Ito ang binigyang diin ng National Democratic Front o NDF, ang political arm ng Communist Party of the Philippines, sa kabila ng panawagang unilateral ceasefire ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunman, naglatag ng mga kondisyones ang NDF bilang tugon sa isinusulong na tigil-putukan ng Punong Ehekutibo.
Giit ng NDF, kailangan nilang mabasa muna ang ceasefire declaration at palayain ng pamahalaan ang mga nakakulong nilang miyembro.
Ayon kay NDF Chief Negotiator Luis Jalandoni, dapat magpalitan ng deklarasyon ang magkabilang panig sa pagpapatuloy ng peace talks sa Agosto 20 hanggang 27 sa Oslo, Norway.
Samantala, nagbigay umano ng commitment ang MNLF at MILF sa naturang panukala ni Pangulong Duterte.
Nilinaw naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na patuloy pa ring nakaalerto ang mga tropa ng pamahalaan.
SOMO
Nagdeklara na ng Suspension of Military Operations o SOMO ang Armed Forces of the Philippines laban sa mga rebeldeng komunista.
Kasunod nito, inatasan ni AFP Chief of Staff Gen. Ricardo Visaya ang lahat ng mga commander ng unified commands, major services, at AFP-wide service support units na tumalima sa SOMO.
Ibig sabihin nito, suspendido muna ang lahat ng military offensives laban sa New People’s Army o NPA.
Subalit, nilinaw naman ni AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla Jr. na hindi ito nangangangahulugan na “back to barracks” na ang mga sundalo.
By Jelbert Perdez