Umaabot sa dalawandaang (200) milyong piso ang kinita ng New People’s Army (NPA) mula sa mga kandidato sa eleksyon noong 2016.
Ayon kay Assistant Secretary Jonathan Malaya ng Department of Interior and Local Government (DILG), bagamat wala silang kumpirmasyon, lumalabas sa ilang intelligence reports na hanggang dalawampung (20) milyong piso ang hinihingi ng NPA sa presidential candidates habang nasa sampung (10) milyon ang sa bise presidente na gustong mangampanya sa itinuturing nilang teritoryo.
Sinabi ni Malaya na konserbatibo pang maituturing ang 200 milyong pisong koleksyon ng NPA para sa permit to campaign at permit to win noong 2016.
Una rito, inatasan ni DILG Secretary Eduardo Año ang PNP na i-monitor at bumuo ng kaso laban sa mga pulitikong nagbabayad ng campaign fees sa NPA.
Sinasabing nasa halos 350 opisyal ang nasa watchlist ng DILG kabilang ang labing isang (11) gobernador, limang (5) bise gobernador, mahigit limampung (50) mayors, mga board members, konsehal at barangay captains.
—-