Dalawang sundalo ang sugatan matapos tambangan ng mga miyembro ng New People’s Army o NPA sa bahagi ng Catubig at Las Navas sa Norther Samar.
Kinilala ang dalawang sugatang sundalo na sina Corporal Yzazel Laure at Private First Class Ronald Gomez na kapwa nagtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan at kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa ospital.
Ayon kay Brigadier General Mario Lacurom, Commanding Officer ng 20th Infantry Battalion, tinatatayang nasa 50 miyembro ng teroristang grupo ang umatake sa kanila habang patungong sa relief operation para sa mga residenteng sinalanta ng bagyong Urduja.
Samantala, mariing kinondena ng Armed Forces of the Philippines o AFP ang pag-atakeng ginawa ng NPA sa convoy ng mga sundalo na magdadala ng relief goods sa mga naapektuhan ng bagyo.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Edgard Arevalo, ito lamang ay pagpapakita ng kanilang tunay na kulay at pagpapatunay na tama lang na itigil na ng gobyerno ang pakikipag-usap sa komunistang grupo.
Dagdag pa ni Arevalo, hindi lang ang mga sundalo ang apektado sa kanilang ginawa kundi pati ang mga sibilyang nangangailangan ng tulong bunsod ng pananalasa ng bagyong Urduja.
—-