Pinaiimbestigahan ng National Privacy Commission (NPC) sa Philippine National Police (PNP) ang mga report ng umano’y profiling sa organizers ng community pantry.
Kasunod na rin ito ng post ni Anna Patricia Non, organizer ng Maginhawa community pantry sa Quezon City, na ititigil muna nila pansamantala ang operasyon nila para na rin sa kaligtasan ng kanilang volunteers sa gitna nang ginagawang red tagging sa kanila.
Ayon sa NPC, dapat imbestigahan ng PNP Data Protection Office ang nasabing claim ni Non at kaagad gumawa ng mga hakbangin para hindi makagawa ang kanilang mga tauhan ng anumang magiging banta sa karapatan ng mga Pilipino.
Binigyang diin ng NPC na sakaling kailanganing makuha ang personal information para na rin mapanatili ang peace and order, dapat itong gawin sa ngalan ng transparency, may lehitimong layunin at sadyang may katuwiran o naaayon sa batas para gawin ito.
Hindi na aniya sakop o wala sa interes ng PNP ang paghingi ng personal data kabilang ang email address, Facebook account name at family background ng organizer ng community pantries.