Ikinalungkot ng National Press Club (NPC) ang tinuran ng Pangulong Benigno Aquino III matapos nitong pag-initan ang media dahil umano sa hindi patas na pag-uulat sa mga tumatakbo sa May 9 elections.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni NPC President Joel Egco na hindi nag-iimbento ng istorya ang media dahil ito ay repleksyon ng obserbasyon ng taumbayan.
Nakalulungkot aniyang isipin na pababa na sa puwesto ang Pangulo ay ganoon pa rin ang stand nito sa media.
“Mula pa yata nung umupo siya na naki-criticize siya at napupuna lagi na lang niyang sinasabi na bias tayo puro may negative issue sa media, pero ang hindi nababatid ng presidente, ba’t di niya kaya subukang mag-Facebook din naman paminsan-minsan halimbawa sa social media silipin niya, doon mas grabe ang mga puna doon, minsan may mga below the belt pa, so ibig sabihin hindi naman tayo nag-iimbento ng mga kuwento.” Ani Egco.
Dagdag pa ni Egco, hindi trabaho ng mga mamamahayag ang mamuri.
“Yung negative issue sabi niya dati pa yan sa mga columnist sa diyaryo, mahirap naman kasi yun hindi naman natin trabaho ang mamuri, actually ang trabaho natin ay isulat ang ginagawa nila, sa kanila naman especially sa government ang trabaho nila ay gumawa ng tama, ang expectations sa kanila lagi ay tamang gagawin nila, ang nakabubuti.” Pahayag ni Egco.
PNoy
Una rito ay umapela si Pangulong Benigno Aquino III sa media na maging patas sa pag-uulat sa mga tumatakbo sa May 9 elections at iwasang maging paborito ang kandidatong walang ginawa kundi magsalita lamang ng pang-headline.
Ito ang inihayag ni Aquino sa kanyang pagharap sa iba’t ibang media executives sa Asya na lumahok sa Published Asia 2016 sa Manila Hotel.
Ayon sa Pangulo may mga kandidatong matino at maayos ang mga plataporma para sa sambayanan pero hindi umano nabibigyan ng pansin bagkus ang paninira sa kandidato ang inaatupag.
Aniya dahil sa pagse-sensationalize sa mga balita napapaniwala ang karamihan sa mga botante na may kandidatong masama kahit mabuti at may kandidatong nagiging mabuti kahit maraming kalokohang ginagawa.
Pinuna din ni PNoy ang tinatawag na new media na dahil sa pagmamadali nilang magsulat ay nagiging malabnaw naman ang detalye kumpara sa tradisyunal na print media.
By Meann Tanbio | Ratsada Balita