Pinaalalahanan ng National Telecommunications Commission (NTC) ang lahat ng public telcos at internet providers na paghandaan na ang inaasahang pagtaas ng bilang ng internet traffic sa ngayong Holiday Season.
Sa isang memorandum na may petsang December 4, sinabi ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba, na sa kanilang pagtaya posibleng dumami ang mga internet at online traffic dahil sa pandemya at patuloy na pagpapatupad ng community quarantines.
Kabilang na aniya dito mga Christmas parties, gatherings, reunions at iba pang holiday activities na inaasahang isasagawa sa pamamagitan ng online.
Inatasan rin ni Cordoba ang mga public telcos at internet providers na ipatupad na ang “heightened level of emergency preparedness” upang masigurong magiging minimal lamang ang mga disruption at pagkawala ng signal simula December 7, 2020 hanggang sa January 8, 2021.
Ipinag-utos rin ng NTC official sa mga telcos, na madaliin ang mga isinasagawa nilang maintenance effort, palakasin ang internet broadband capacities, at tiyaking 24/7 na gumagana ng maayos ang kanilang mga network services upang hindi maantala at magka-aberya ang business industry at disaster recovery protocols sa bansa.