Nagbaba na ng kautusan ang National Telecommunications Commission (NTC) sa mga telecommunications companies na maglabas ng paalala laban sa mga kumakalat na spam text messages.
Ang spam text messages na ito ay nag-aalok ng mga trabaho na may mataas na sahod.
Batay sa ipinalabas ng NTC, inatasan nito ang mga kompanyang Globe, Smart at DITO na magpakalat ng text blasts sa kanilang mga subscribers na may mensaheng “Babala: Huwag pong maniwala sa text na naga-alok ng trabaho na may pangako ng malaking sweldo, ito po ay scam.”
Anila, isasagawa ang text blasts mula Mayo 28 hanggang Hunyo 4, 2022.
Habang bibigyan naman ng hanggang Hunyo 8, 2022 ang bawat Telcos na isumite ang kanilang compliance report.
Maliban dito, inatasan din ng NTC ang mga regional directors at officers-in-charge ng local radio at Television stations na mag-abiso sa publiko laban sa mapanlokong text messages.
Mayroon naman silang hanggang Hunyo 15, 2022 para magpasa ng compliance report.