Mariing ipinag-utos ng National Telecommunications Commission (NTC) sa lahat ng public telecommunications entities na tiyakin na handa sila sa pinsalang maaaring idinulot ng Bagyong Maymay.
Kahit humina at naging isang Low Pressure Area o LPA na lamang ay nakapagdulot ng pagbaha ang nasabing bagyo sa ilang mga lugar sa Luzon partikular sa Cagayan Valley.
Sinasabing bago naging LPA ang bagyo ay nagdulot ito ng malakas na pag-ulan sa Cagayan Isabela, Apayao, Kalinga, Mountain Province at Ifugao.
Base sa isang memorandum na nilagdaan ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba, pinatitiyak nito na mayroong sapat na bilang ng technical at support personnel, standby generators na may extra fuel, at iba pang gamit sa mga lugar na tinamaan ng bagyo.
Maliban dito, iniutos din ni Cordoba na madaliin ang repair at restoration ng telecommunication services sakaling magkaroon ng pinsala dito.
Kaugnay nito, inatasan din ng NTC chief ang mga network company na magtalaga ng Libreng Tawag at Libreng Charging Stations sa mga naapektuhang lugar.