Makaraang lumutang ang isyu ng umano’y graft and corruption laban sa mga opisyal ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) na pinangungunahan ni Director General Jeremiah Belgica at NOW Telecom, Inc. (NOW) na pagmamay-ari ni Mel Velarde ay bumuwelta naman ng kaso ang NOW kontra National Telecommunications Commission (NTC).
Ito’y matapos hilingin ng media affiliates na NOW Cable, Inc. (NCI) at News and Entertainment Network Corp. (News Net) na suspendihin din ang NTC.
Kung matatandaan, pinatawan ng anim na buwang preventive suspension ng Office of the Ombudsman si Belgica at ibang direktor ng ARTA na sina Eduardo Bringas, Sheryl Sumagui, Jedrek Ng at Melamy Salvadora-Asperin.
Sinasabing ito’y bunga ng mga kinakaharap nilang kasong Grave Misconduct, Gross Neglect of Duty at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service.
Ayon sa Ombudsman, maaaring umabot sa pagkakatanggal sa serbisyo ang umano’y maling pagpabor ng mga direktor ng ARTA sa NOW.
Ang kanilang inisyu na resolution at order of automatic approval na nagbibigay ng contingent frequencies pabor sa NOW noong March 1, 2021 ay ebidensya umano ng matindi nilang paglabag sa batas.
Itinanggi naman ni Belgica ang kanyang involvement sa mga resolusyon dahil aniya’y hindi naman siya pumirma sa mga ito.
Magugunitang ang pinag-uugatan ng kasuhan ay ang frequency na iginawad ng Duterte administration sa napiling third telco na DITO Telecommunity Inc. kung saan inaakusahan ang ARTA na pilit na pinagagawad sa NOW base sa mga resolusyon ng nasabing ahensya.