Pinag-iingat ng National Telecommunications Commission (NTC) ang publiko laban sa mga text message na nag-aalok umano ng trabaho.
Sinabi ni NTC Deputy Commissioner Edgardo Cabarrios na mapanganib ang pag-click sa mga link mula sa mga text message dahil maaaring makuha ang impormasyon sa mga cellphone.
Hindi aniya madaling hulihin ang mga nagpapadala ng nasabing text messages lalo’t hindi rehistrado ang mga prepaid numbers.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Cabarrios ang publiko na huwag pansinin ang nasabing mga text at mainam aniya na i-block na lamang ang number na ginamit at i-report ito sa Cybercrime Investigation Coordinating Center.