Inatasan ng National Telecommunications Commission (NTC) ang mga Telecommunication Company (TelCo) na tiyaking may sapat silang tauhan na ipakakalat partikular sa mga lugar na hahagupitin ng mga bagyong Jolina at Kiko.
Batay sa inilabas na memoranda ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba, pinatitiyak din nito sa mga Telco na dapat may naka-standby din silang generetor sets at extrang gasolina para masigurong magtutuloy-tuloy ang kanilang serbisyo.
Ipinag-utos din ng NTC sa mga TelCo na kagyat isagawa ang repair at restoration activities sa mga lugar na labis na naapektuhan ng bagyo upang maibalik agad ang linya ng komunikasyon na lubhang kinakailangan sa panahong ito.
Kasunod nito, pinagtatalaga rin ng NTC ang mga TelCo ng Libreng Tawag at Charging Stations lalo na sa mga lugar na nawalan ng suplay ng kuryente dahil sa pananalasa ng bagyo subalit kinakailangang masunod pa rin ang health protocols sa COVID-19. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)