Ipinag-utos ng National Telecommunications Commission (NTC) sa lahat ng public telecommunications entities na tiyakin na handa sa pinsalang maaaring dulot ng bagyong Paeng.
Pahayag ng NTC, sang-ayon sa forecast ng PAGASA, posibleng maapektuhan ng bagyo ang Visayas, Southern Luzon, at northern at western portions ng Mindanao.
Batay naman sa memorandum ni NTC Commissioner Atty. Ella Blanca Lopez, pinatitiyak ng opisyal na mayroong sapat na bilang ng technical at support personnel, standby generators na may extra fuel, at iba pang gamit sa mga lugar na tinamaan ng bagyo.
Pinamamadali rin ni Lopez ang repair at restoration ng telecommunication services kung mayroong naapektuhan ng bagyo.
Inatasan din ang mga network company na magtalaga ng Libreng Tawag at Libreng Charging Stations sa mga naapektuhang lugar.
Samantala, sa hiwalay na memorandum ni Lopez, ipinag-utos nito sa lahat ng regional directors ng NTC na makipagtulungan sa iba pang ahensya ng pamahalaan sa pagbibigay ng serbisyo para sa Undas.
Aniya, dapat makipag-ugnayan ang mga opisyal ng NTC sa NDRRMC, Civic Action Groups (CAGs), at Amateur Radio Groups (ARGs) na magkakasa ng public assistance operations sa nasabing okasyon.
Pinahintulutan din ang mga regional directors ng NTC na magpalabas ng temporary permits at licenses upang makapagbigay ng tulong at matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Bukod dito, pinamo-monitor ni Lopez sa mga regional offices ng ahensya ang operasyon ng mga CAGs at ARGs sa kani-kanilang hurisdikasyon at magsumite ng updated report ukol dito.