Bunsod ng napaulat na paglaganap ng fake job text scams, muling inatasan ng National Telecommunications Commission (NTC) ang mga regional directors (RDs) nito at ang mga telcos na mas paigtingin ang hakbang laban dito.
Batay sa memorandum ni NTC commissioner Gamaliel Cordoba, ipinag-utos sa mga RDs at officers-in-charge (OICs) na palakasin pa ang public information drive upang bigyang kaalaman ang publiko tungkol sa text scams.
Ayon kay Cordoba, patuloy ang pagpapadala ng fake job text at kahalintulad na scams.
Kasabay nito, muli ring nanawagan ang NTC sa Dito Telecommunity, Globe Telecoms at Smart Communications na magsagawa ng text blast sa kanilang subscribers simula ngayong araw, July 5 hanggang July 11, 2022.
Iniutos ng NTC ang pagpapadala ng mensaheng ito sa mga subscribers: “Babala, huwag pong maniwala sa mga texts na nag-aalok ng trabaho na may pangako na malaking sweldo. Ito po ay scam.”
Maliban dito, ipinag-utos din ng ahensya sa mga telcos na i-block ang SIM cards na ginagamit sa mga fraudulent activities at palakasin din ang public information campaign na may kaugnayan dito.
Samantala, nagpaalala naman ang NTC sa publiko at mga phone users na huwag magbigay ng kanilang personal information at iwasang sumagot sa mga survey questions na mula sa mga hindi kilalang senders.