Kinondena ng grupo ng mga manggagawa ang naging desisyon ng National Telecommunications Commission (NTC) hinggil sa prangkisa ng ABS-CBN.
Ayon sa tagapagsalita ng grupong Defend Jobs Philippines na si Thadeus Ifurung, malinaw na pangloloko sa 11,000 manggagawa ng ABS-CBN ang naging desisyon na ito ng NTC.
Aniya tila isang kawatan na kumikilos sa gabi ang galawan ng NTC at ng gobyerno habang ang ABS-CBN ay abala sa pagbabalita hinggil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Giit ni Ifurung, sinabi ng NTC nuon na magpapalabas sila ng provisional authority para makapag patuloy ng operasyon ang ABS-CBN habang dinidinig pa ng Kongreso ang renewal ng media network.
Ang nasabing desisyon umano ng NTC ay malinaw na pag-atake hindi lamang sa malayang pamamahayag kundi maging sa kabuhayan ng libu-libong pamilyang Pilipino.