Tiniyak ng NTC o National Telecommunications Commission na hindi makakalusot sa gagawin nilang internet speed testing ang mga telecommunications companies.
Sa buwan ng Oktubre, nakatakdang sukatin ng NTC kung gaano kabilis o kabagal ang serbisyo sa internet ng mga Telcos tulad ng Globe, PLDT, Bayantel at Sky Cable.
Ayon kay NTC Director Edgardo Cabarrios, hindi pa katanggap-tanggap ang resulta ng pilot test na ginawa nila sa internet speed ng mga telcos dahil alam ng mga telcos kung saan-saan ang lugar na sinuri ng NTC.
Sinuri ng NTC ang bilis ng intenet na nagmumula sa loob ng network, kung ito ay nasa labas na ng network ng telcos at kung ito ay nasa labas ng bansa.
“May mga areas po na alam po nila, at alam din po ng consumer groups kung saan pero meron pong mga areas na hindi po alam, meron pong equipment na gagamitin at may software o measuring tool na gagamitin, yung po ay ilalathala at puwede pong i-download ng ating mga kababayan para sila din po ay magsukat ng kanilang internet speed.” Ani Cabarrios.
Isusulong rin ng NTC na isapubliko ng mga telcos ang tunay na average internet speed na kanilang iniaalok sa publiko sa pamamagitan ng kanilang advertisements.
Sinabi ni Cabarrios na layon nitong mabigyan ng kapangyarihan ang mga mamamayan na piliin kung nais nilang mag subscribe sa Globe, sa PLDT, Bayantel o sa Sky Cable.
Kasabay nito ay hinikayat ni Cabarrios ang mga subscribers ng internet na maghain ng reklamo sa Department of Trade and Industry o sa NTC mismo kung nakakaranas na sobrang mabagal na internet speed.
“Normally ang dapat sabihin nila yung average speed within the network, average speed outside at average speed sa international na para may guide po ang ating mga consumers kung kanino sila magsu-subscribe. Ito po ‘yung right to choose eh, ‘yun po ang gusto nating mangyari diyan, mabigyan ng kapangyarihang mamili ang ating mga consumers.” Dagdag ni Cabarrios.
Uubrang parusahan
Mapaparusahan ang service provider na hindi tutupad sa ipinangako nilang internet speed sa mga subscriber kahit na wala pang standard internet speed sa Pilipinas.
Ayon kay Cabarrios, maaari pa rin maparusahan ang mga Internet Service Provider o ISP, kapag hindi tumupad ang mga ito sa kanilang advertised internet speed.
Ito ay ang paglabag sa Consumers Act ng Department of Trade and Industry (DTI).
“Puwede pong idulog ‘yan, ireklamo sa Department of Trade and Industry (DTI) under The Consumers Act, mataas ang multa eh sa Consumers Act, dito sa NTC puwede din ‘yun nga lang po ang fine ay P200 per day, masyado pong mababa.” Paliwanag ni Cabarrios.
By Len Aguirre | Mariboy Ysibido | Ratsada Balita