Bahala na ang NTF-ELCAC at hindi ang Pangulong Rodrigo Duterte na magpasya kung sisibakin o hindi si Lt. General Antonio Parlade, Jr. bilang spokesman ng task force.
Ayon ito kay Presidential Spokesman Harry Roque, Jr. matapos hilingin ni Senador Panfilo Lacson na sipain si Parlade sa kanyang civilian post hindi lamang dahil sa pag-red tag sa mga organizers ng community pantries kundi sa pagtawag na stupid sa mga senador.
Sinabi ni Roque na hindi naman nagma-micromanage ang Pangulong Duterte kaya’t bahala na ang NTF-ELCAC kung papaboran ang rekomendasyon ni Lacson.
Una nang iginiit ni Lacson at iba pang senador na hindi uubrang umukupa ng civilian post ang isang aktibong miyembro ng militar samantalang nilinaw ng DND at AFP na ang appointment ng heneral ay hindi ilegal dahil ang AFP ay bahagi ng nasabing task force na binuo ng Pangulong Duterte noong 2018.