Nadagdagan pa ang mga senador na nanggigigil kay Lt. Gen. Antonio Parlade matapos i-red tag ang mga volunteer ng community pantry.
Ayon kay Senador Richard Gordon, tila na nada-divert sa red tagging ng organizers ng community pantries ang milyun-milyong pisong intelligence funds mula sa budget ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa halip na ipantulong sa mga Pilipino.
Sinabi pa ni Gordon na napapahiya lamang ang gobyerno sa pagsulpot ng community pantries dahil nangangahulugan itong kulang ang mga pagtugon ng pamahalaan ngayong may coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Likas na rin naman aniya sa mga Pilipino ang pagiging matulungin kaya’t hindi na dapat intrigahin o lagyan ng kulay ang mga community pantry.