Tatlong magkakahiwalay na reklamo ang inihain laban kay National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Spokesperson Lorraine Badoy, sa Office of the Ombudsman.
Hiniling ng mga complainant na binubuo ng 26 na rights activists, teachers, youth leaders at concerned citizens sa pangunguna ng kanilang abogadong sina Antonio La Viña at Rico Domingo, na suspendihin si Badoy.
Ito’y dahil sa pag-uugnay ng Presidential Communications Operations Office Undersecretary kay presidential candidate at Vice President Leni Robredo sa komunistang grupo.
Iginiit ng mga complainant na nakagawa ang tagapagsalita ng NTF-ELCAC ng samu’t saring paglabag sa anti-graft and corrupt practices act and ethical standards of public officials and employees sa pag-red-tagg sa bise presidente.
Nag-ugat ang reklamo sa serye ng social media post ni Badoy na naghahayag na inendorso umano si Robredo ng Communist Party of the Philippines (CPP) maging ng New People’s Army (NPA) at National Democratic Front (NDF).
Inakusahan din ni Badoy ang pangalawang pangulo na nakikipag-alyansa sa Communist Movement sa bansa bagay na itinanggi ng presidentiable.