Hiniling ng National Task Force on COVID-19 sa mga Filipino sa ibayong dagat na ipagpaliban muna ang kanilang plano na umuwi ng Pilipinas.
Ito’y matapos bawiin ng gobyerno ang naunang kautusan kung saan nililimitahan lamang ang pagpasok sa bansa ng mga Pinoy na nais umuwi ng Pilipinas dahil sa pagsirit ng kaso ng COVID-19.
Ayon kay NTF Spokesman Restituto Padilla, wala namang makapipigil sa mga Pilipinong nais umuwi ng bansa basta’t ito ay naaayon sa ipinatutupad na protocols ng immigration.
Hinimok ni Padilla ang mga Pinoy na nagpa-planong umuwi ng bansa na tingnan ang website ng Bureau of Immigration para makita ang iba pang mga alituntunin.
Gayunman ani Padilla, kung hindi naman gaanong kahalaga o di naman nagmamadaling umuwi, hangga’t maaari ay ipagpaliban na lang ang byahe patungong Pilipinas para makatulong sa ginagawang hakbang na mapigilan ang pagpasok ng mga bagong variant ng COVID-19.