Hinimok ng National Task Force against COVID-19 ang local government units na unahing bigyan ng bakuna kontra COVID-19 ang mga indibidwal na nakatanggap na ng unang dose ng SINOVAC vaccine.
Kasunod ito ng pahayag ng Chinese Manufacturer na maaantala ang susunod na pagpapadala ng nasabing bakuna sa bansa.
Sinabi ni National Task Force Deputy Chief Implementer Vince Dizon, na naurong sa July 18 ang susunod na delivery ng SINOVAC vaccine.
Ngunit aniya, ginagawan na ng paraan ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr., na maipadala na ito sa susunod na linggo.
Giit pa ni Dizon, mas makabubuti kung bibigyan nang prayoridad na mabigyan ng bakuna ang mga indibidwal na naghihintay na lang ng kanilang second dose. —sa panulat ni Hyacinth Ludivico