Inihayag ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 na hindi masasamantala ng mga kandidato sa kanilang pangangampanya ang vaccination drive ng pamahalaan.
Sinabi ni Presidential Adviser for COVID-19 Response Secretary Vince Dizon, hindi nila papayagan na mapasukan ng pamumulitika ang isinasagawang vaccination program ng gobyerno.
Dagdag ni Dizon, pantay umano ang tingin nila sa taumbayan ang pakinabang ng pagbabakuna at hindi sa mga kumakandidato na pulitiko.
Aniya, tuloy-tuloy na isasagawa ang pagbabakuna kahit na panahon na ito ng kampanya at mismong araw ng eleksiyon.
Samantala, target ng pamahalaan na mabakunahan ang nasa 90 milyong indibidwal bago bumaba ito sa June 2022.