Sasamantalahin ng National Task Force against COVID-19 ang dalawang linggong pagpapatupad ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila at mga karatig lalawigan para ikasa ang recalibration sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) response.
Ayon kay NTF chief implementer Carlito Galvez, Jr gagamitin nila 15 araw para aralin kung saan nagkamali at pa-plantsahin ito para mapababa ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Nagbago na aniya ang trend ng transmission kung saan hindi na lang isa sa pamilya kundi pami-pamilya na ang nai-infect sa virus.
Sinabi ni Galvez na nabatid nilang ang pinagmumulan na ngayon ng transmission ay sa workplace at family gatherings.
Tinukoy ni Galvez ang nangyari sa isang bayan sa Nueva Ecija na walang kaso ng COVID-19 subalit may isang pamilya na nag imbita ng mga bisita mula sa Metro Manila para sa kanilang family reunion kaya’t umabot sa 70 ang nagpositibo sa virus.