Sinimulan na ng Pilipinas at Estados Unidos ang pagtalakay sa posibleng kasunduan sa pagtatayo ng panibagong nuclear power plant.
Matatandaan na inihayag ni U.S. Vice President Kamala Harris sa kaniyang pagbisita sa Malacañang noong isang linggo na ang “123 agreement” sa pagitan ng dalawang bansa ang magiging tulay upang mag-export ng american nuclear equipment sa Pilipinas.
Gayunman, nilinaw ng Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) na bukas pa sila sa pakikipag-usap sa ibang bansa.
Inihayag ni PNRI Executive Director Carlo Arcilla na kabilang sa handang tumulong sa Pilipinas ang South Korea na mayroon umanong planta na kahalintulad ng Bataan Nuclear Power Plant.
Ilan pa sa tinitingnan na opsyon ng pamahalaan ang France, China at Japan na matagal nang gumagamit ng nuclear energy.
Sa kabila nito, aminado si arcilla na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., pa rin ang magdedesisyon sa naturang usapin.