Hindi magagamit na depensa ni Police Senior Master Sgt. Jonel Nuezca ang pagkasira ng ulo para makalusot sa kinahaharap na kaso sa pagpatay sa mag-inang Gregorio sa Paniqui, Tarlac.
Ito ang iginiit ni Presidential Spokesperson Harry Roque, kahit tinawag pa itong “buang” o may sakit sa utak ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Roque, walang kinalaman sa serbisyo ni Nuezca ang ginawa nitong pamamaslang sa mag-inang Sonya at Frank Anthony Gregorio, bagkus ay sadyang may sakit lamang aniya ito sa utak na nambalewala sa batas.
Iginiit ni Roque, kung gagamitin ni Nuezca bilang alibi ang pagkakaroon sa sakit sa ulo, dapat nitong patunayan sa korte na hindi niya nauunawan ang tama at mali.