Hindi pa ganap na nakakamit ang hustisya para sa mga biktima ng Maguindanao Massacre.
Ito ang pananaw ng National Union of Journalists in the Philippines (NUJP) matapos ibaba ang hatol kahapon kaugnay sa malagim na krimen.
Ayon sa grupo, hindi pa kumpleto ang nakamit na hustisya dahil sa 57 bilang na kasong murder lamang na-convict ang ilang miyembro ng Ampatuan at hindi 58.
Hindi kasi anila ikinunsidera ng korte na isa sa mga biktima ng malagim na krimen ang photojournalist na si Reynaldo Bebot Momay Jr., dahil hindi pa umano nakikita ang mga labi nito.
Kanila rin umanong ikinalulungkot ang pagkaka-acquit ng 55 akusado kung saan kabilang ang ilang miyembro ng pamilya Ampatuan.
Para anila sa NUJP, hindi pa kumpleto ang hustisya sa Maguindanao Masaccre hanggat hindi pa naparurusahan ang lahat ng responsable sa krimen.
Samantala. binati naman ng grupo ang pamilya ng 58 biktima na nagtyagang makamit ang hustisya para sa kanilang mahal sa buhay sa kabila ng mga banta sa kanilang buhay.