Ikinaaalarma ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang patuloy anitong pananakot at red tagging o pag-uugnay sa rebeldeng grupo ng ilang mamamahayag at iba pang personalidad sa Cagayan De Oro at Northern Mindanao.
Kasunod na rin ito ng natanggap na death threats ni Leonardo Vicente “Cong” Corrales, Associate Editor ng Mindanao Gold Star Daily at una nang iniuugnay sa mga rebeldeng grupo.
Batay pa sa tala ng NUJP nakakatanggap din ng banta sa buhay si Froilan Gallardo ng Mindanews.
Bukod kina Corrales at Gallardo sinabi ng NUJP na isang pari ng Iglesia Filipina Independiente na si Father Rolando Abejo, ilang empleyado ng city hall ng Cagayan De Oro at Northern Mindanao, human rights lawyer na si Atty. Beverly Musni at anak nitong babae ang iniuugnay sa mga rebeldeng grupo.