“Sana nga ay joke lang yun.”
Reaksyon ito ni Ryan Rosauro, chairman ng NUJP o National Union of Journalists in the Philippines ang pahayag ni President-elect Rodrigo Duterte na hindi exempted sa pagpatay ang mga tiwaling mamamahayag.
Ayon kay Rosauro, ang pahayag ni President-elect Duterte ay tila deklarasyon ng open season para sa pagpatay ng mga mamamahayag.
Aminado si Rosauro na maraming mamamahayag ang sangkot sa korupsyon at kinikilala rin anila ng grupo na posibleng katiwalian ang dahilan ng pagpatay sa ilang miyembro ng media.
Gayunman, hindi anila tama na gamitin ang dahilang ito para bigyang katwiran ang pagpatay sa mga media men.
Bahagi ng pahayag ni NUJP Chairman Ryan Rosauro
Binigyang diin ni Rosauro na ang pahayag ni President-elect Duterte ay isang malaking pagyurak sa pangalan at ala-ala ng 176 na mamamahayag na pinatay mula pa noong 1986.
Ilan anila dito ay walang duda na pinatay dahil sa kanilang pagiging mamamahayag tulad nina Edgar Damalerio ng Pagadian City, Marlene Esperat ng Tacurong City, Gerry Ortega ng Puerto Princesa at ang 33 biktima sa Ampatuan massacre.
Tanong ng NUJP ay kung handa si President-elect Rodrigo Duterte na harapin ang pamilya ng mga nasawing mamamahayag at sabihin sa kanila na mga corrupt sila kaya sila pinatay.
By Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit