Arestado ang number 2 most wanted na New People’s Army (NPA) leader sa Agusan del Norte dakong alas kuwatro y medya kaninang umaga.
Kinilala ang naaresto na si Joaquin Madrianon na nagtatago sa alyas na Alto at Junjun sa kaniyang hideout sa Purok Spring, Barangay Tagcatong sa bayan ng Carmen.
Nalambat si madrianon ng pinagsanib puwersa ng Philippine Army at ng pulisya sa ikinasa nilang operasyon sa lugar sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Butuan City Regional Trial Court (RTC).
Kasalukuyang nahaharap si Madrianon sa mga kasong multiple attempted murder dahil na rin sa ginawang pagpatay nito sa mga katutubong lumad sa Agusan provinces.
Sangkot din si madrianon sa pagpatay kay Otaza Mayor Ricardo Sulhayan at sa limang iba pa gayundin sa pag-atake sa Carmen Station ng Philippine National Police (PNP) nuong 2003.
Kabilang din ang naaresto sa pangha-harass ng mga pulis sa Marcos Park at Jaguimitan Patrol Base nuong 2016 maging sa pananambang kay Gov. Maria Angelica Amante-Matba nang bumisita ito sa isang sitio sa bayan ng Nasipit.