Hindi aatras sa hamon ang Chief of the Directorial Staff at number 4 man sa Philippine National Police na si P/LtG. Dionardo Carlos para pamunuan ang kanilang hanay.
Isa si Carlos sa mga top contenders sa pagiging PNP Chief kapalit ng magreretiro nang si P/Gen. Guillermo Eleazar sa Nobyembre a-13.
Si Carlos ay nagsilbing Tagapagsalita ng PNP sa panahon ng nuo’y PNP Chief ngayo’y Sen. Ronald Bato Dela Rosa na siyang naging boses nang ilunsad ang kampaniya kontra iligal na droga ng Administrasyong Duterte.
Maliban dito, hinawakan din ni Carlos ang iba’t ibang mga maseselang posisyon sa PNP tulad ng pagiging Intellegence Operative sa ilalim ng PNP Anti-Illegal Drug Operations Task Force o AIDSOTF at isa sa mga pioneer ng katatatag pa lang noon na Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Tumanggap din ng samu’t saring parangal at pagkilala si Carlos partikular na nuong siya’y itanghal bilang 2009 Country’s Outstanding Policemen in Service (COPS) lifetime achievement awardee ng Metrobank Foundation.
Kabilang si Carlos sa 5 pangalang isinumite ni Interior and Local Government Sec. Eduardo Año na kwalipikadong pumalit kay Eleazar sa puwesto. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)