Pansamantalang inalis ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA ang number coding, ngayong araw ng Miyerkules, Enero 24.
Ito ay upang matulungan ang mga pasaherong makasakay sa gitna ng inaasahang nationwide transport strike ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON).
Ilulunsad ang naturang protesta kontra ‘Tanggal Bulok, Tanggal Usok’ campaign ng Inter-Agency Council on Traffic.
Layunin nitong sugpuin ang mga smoke-belcher at kakarag-karag na jeep bilang bahagi ng modernization program.
Una nang nanindigan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na tuloy-tuloy ang kanilang ginagawang paghahanda para sa transport modernization program ng pamahalaan.
Ayon sa LTFRB, hindi sila papatinag sa PISTON at iginiit na paunang hakbang pa lamang anila ang pag-aalis sa mga kakarag-karag na mga sasakyan sa lansangan.