Sinuspinde na ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA ang number coding dahil sa patuloy na pag-ulan.
Alas-7:00 pa lamang ng umaga ay nakataas na ang orange warning level sa Metro Manila na nangangahulungan ng matinding pag-ulan.
Samantala, tuloy-tuloy ang ginagawang paglilinis ng MMDA sa mga kanal at estero sa Metro Manila.
Tiniyak ito ni Celine Pialago, Spokesman ng MMDA sa harap ng mga pagbahang dinaranas sa maraming panig ng Metro Manila.
Ayon kay Pialago, hindi naman sila tumitigil sa paglilinis kahit hindi tag-ulan.
Sa katunayan, bagamat marami aniya ang binabaha dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan, mapapansin naman aniya na mabilis na lamang ngayon ang paghupa ng baha.
Joint Quick Response Team
Muling nagkaloob ng libreng sakay ang Joint Quick Response Team sa mga lugar kung saan stranded ang mga pasahero dahil sa madalang ang mga pumasadang sasakyan.
Ayon kay LTFRB Board Member Aileen Lizada, nag-deploy sila ng military trucks sa Commonwealth Circle patungo ng Quiapo at Maynila, Monumento patungo ng Pedro Gil via Taft, US Embassy patungo ng Baclaran via Roxas Blvd at sa south at northbound ng EDSA Timog patungo ng Taft at pabalik ng Timog.
Maliban dito, sinabi ni Lizada na may mga naka-standby rin silang trucks na puwedeng rumesponde sa mga nangangailangan ng tulong.
Maaari anyang tumawag sa 136 ang sinumang gustong magpalikas sakaling tumaas ang tubig sa kanilang lugar.
—-