Sinuspinde na ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA ang number coding sa lahat ng mga lansangan sa Metro Manila sa Martes, Hunyo 12.
Ito ayon sa ahensya ay bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.
Gayundin, suspendido na rin ang number coding sa Biyernes Hunyo 15 kasabay naman ng paggunita sa Eid’l Fitr o ang pagtatapos ng Ramadan.
Una nang inanunsyo ng Malacañang ang Hunyo 12 at 15 bilang mga regular holidays.
Samantala, iiral pa rin ang number coding ngayong araw.
Ito ang nilinaw ngayon ng MMDA kahit pa maraming lugar na sa kalakhang Maynila ang nagsuspinde na ng klase.
Batay sa pahayag ng MMDA Sa twitter, inihayag nitong mananatili ang number coding sa araw na ito kung saan bawal bumiyahe ang mga sasakyang may plakang nagtatapos sa numerong 1 at 2.
Matatandaang halos buong Metro Manila na ang nagsuspinde ng klase ngayong araw para sa lahat ng antas dahil sa inaasahang malalakas na pag-ulang dala ng habagat.
—-