Idinepensa ng NUPL o National Union of People’s Lawyers si dating DSWD o Department of Social Welfare and Development Secretary Judy Taguiwalo.
Ito’y makaraang akusahan mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte si Taguiwalo na ginagamit umano ang pondo para sa 4P’s o Pantawid Pamilyang Pilipino Program para pondohan ang mga komunista.
Ayon kay NUPL Chairman Atty. Neri Colmenares, imposible aniyang hindi nalalaman ng Pangulo ang lahat ng galaw ni Taguiwalo lalo pa’t kilala ito na kabilang sa maka-kaliwang grupo.
“May paper trail yan eh, at ikaw binabantayan ka, hindi naman taga-gobyerno si Judy Taguiwalo, hindi siya galing sa ranks na marami siyang kilala, marami siyang backer, wala, eh di kuha mo ang lahat ng dokumento niya, pati nga siguro ang mga nasa ilalim sa kanya ay isusumbong siya eh, alam ni President Duterte na ang 4Ps hindi yan dumadaan sa secretary diba?” Ani Colmenares
Kasunod nito, umaasa rin si Atty. Colmenares na makalulusot din sa makapangyarihang Commission on Appointments ang isa pang maka-kaliwang miyembro ng gabinete na si Agrarian Reform Secretary Rafael “Ka Paeng” Mariano.
“Hanggang ngayon mahirap naman si Ka Paeng, hindi naman yan nagnanakaw, siya ang poorest sa gabinete ni president Duterte, pangalawa pinapatupad niya ang batas, o kaya itong ayaw ipatupad ang batas, san ka boboto? Dapat bumoto kay Ka Paeng, I hope the CA will vote for him, bihira lang yan, na may ma-appoint na isang cabinet member na honest, clean at pinupursige ang proper na pag-implement ng batas.” Pahayag ni Colmenares
By Jaymark Dagala / Ratsada Balita Interview