Ibinunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte na humirit umano si MNLF Founder Nur Misuari ng amnesty para sa Abu Sayyaf Group o ASG.
Sa kanyang talumpati sa harap ng 400 miyembro ng Philippine Marines sa Marine Headquarters sa Taguig City, sinabi ng Pangulo na nais ni Misuari na isama sa usapang kapayapaan ang bandidong grupo.
Subalit iginiit ni Duterte na sinabihan niya si Misuari na kung ganoon ang gusto ng MNLF Leader ay hindi na siya makikipag-usap dito sa ngalan ng prinsipyo.
Ayon sa Pangulong Duterte, mas maiging makipag-giyera na lang siya kaysa isama sa peace talks ang teroristang grupo.
Binigyang diin pa ng Pangulo na kung gusto ni Misuari na maisama sa usapang kapayapaan ang Abu Sayyaf ay maghintay na lang siya ng ibang presidente na papayag sa kagustuhan nito.
Bahagi ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte
By Jelbert Perdez