Muling binuhay ng Marikina City government ang pamimigay ng nutribun sa mga estudyante.
Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino Teodoro, layon nitong mabigyan ng tamang nutrisyon ang mga estudyante at maitala ang zero malnutrition sa lungsod sa susunod na taon.
Ipinagmalaki ng alkalde na tiyak na masustansiya ang kanilang nutribun dahil gawa sa malunggay, kalabasa, itlog at harina na angkop para sa lumalaking mga bata.
May kapartner ding gatas ang mga tinapay kaya tiyak na makatutulong ito para maging malusog ang mga estudyante sa kinder at grade 1.
Tatagal ang nutribun project sa loob ng 120 araw at pagkatapos nito ay titimbangin ang mga bata, aalamin ang kondisyon ng kanilang kalusugan at performance sa paaralan.
Matatandaang ang nutribun program ay unang ipinatupad sa ilalim ng Pangulong Ferdinand Marcos noong 1971 para tugunan ang tumataas na bilang ng malnutrisyon sa bansa.