Mahigpit na binabantayan ng National Water Resources Board (NWRB) ang lagay ng lebel ng tubig sa Angat Dam at iba pang dam sa bansa.
Kasunod ito ng patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam na ngayon ay mas mababa na sa mahigit 190 meters kung ikukumpara sa naunang mga taon.
Sa naging panayam ng DWIZ kay NWRB Director Dr. Sevilo david Jr., sinabi niya na nakahanda ang kanilang ahensya sa patuloy na pagbagsak o pagbaba ng lebel ng tubig sa nasabing dam na pangunahing pinagkukunan ng suplay ng tubig sa buong Metro Manila.
Ayon kay David, mayroong water treatment na maaring makuha sa Laguna Lake, Marikina River maging ang halos isandaang deepwell na pamumunuan ng mga concessionaire kabilang na ang Manila Water Services at Maynilad Services upang makatulong sa karagdagang tubig sa Angat Dam.
Sinabi din ni David na sa ngayon, nasa preparatory stage palang ang konstruksyon sa Kaliwa Dam na inaasahang masisimulan sa taong 2023 upang makatulong sa kakulangan sa suplay ng tubig sa National Capital Region (NCR). — sa panulat ni Angelica Doctolero