“Gunitain ang ika-9 na anibersaryo ng pananalasa ng Super Typhoon Yolanda na may buong pag-asa at pagkakaisa”.
Ito ang bahagi ng mensahe ni Borongan Bishop Crispin Varquez ng Diocese of Borongan.
Ayon kay Varquez, mahalagang patuloy na gunitain, alalahanin at ipanalangin ang lahat ng mga nasalanta ng pananalasa ng kauna-unahang Super Typhoon sa bansa noong November 8, 2013.
Umabot sa mahigit 6,000 ang nasawi sa hagupit ng bagyo at nagdulot ng malawak na pinsala sa ari-arian ng mga mamamayan sa Eastern Visayas Region.
Dapat din anyang ipagpasalamat ang naging paggabay ng Panginoon at ng mga may mabubuting pusong indibidwal at organisasyon na tumulong sa muling pagbangon ng mga residente sa kalamidad.
Binigyang-diin ng Obispo na mahalaga ang mga aral na natutunan ng bawat isa mula sa pananalasa ng Bagyong Yolanda para sa pagharap sa mga krisis na posibleng maganap sa hinaharap.
Napapanahon na rin anyang mamulat ang bawat isa sa pangangalaga sa kalikasan bilang tugon sa panawagan ni Pope Francis na Ecological Conversion sa gitna ng patuloy na mga banta ng iba’t ibang kalamidad dulot ng Climate Change.