Pinaalalahanan naman ng isang obispo ng Simbahang Katolika ang mga mananampalataya na manatiling kalmado at huwag magpadalus-dalos.
Ito’y sa kabila ng sunud-sunod na birada sa simbahan ni Pangulong Rodrigo Duterte partikular na sa mga aral nito na tinawag pang kahibangan.
Ayon kay dating CBCP President at Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas, dapat pang mahalin sa halip na buweltahan ang Pangulo sa mga pahayag nito laban sa simbahan.
Binigyang diin pa ng Arzobispo na bawal ang duwag subalit hindi naman itinuturo ng simbahan na makipag-away sa sinumang tumutuligsa rito.
Sa huli, hinimok ni Villegas ang lahat ng Kristiyano na ipanalangin sa halip na murahin ang Pangulo dahil malinaw ang turo ng Diyos na mahalin ang kaaway.