Umapela sa publiko ang isang obispo na manalangin na lamang sa panunumbalik ng kaayusan sa halip na gumawa ng mga haka-haka.
Ito ang inihayag ni dating CBCP President at retired Archbishop Oscar Cruz sa mga kontrobersiyang kinahaharap ng Iglesia ni Cristo.
Binigyang diin ng arzobispo, dapat aniyang tingnan ang problema sa objectibong pamamaraan nang walang panghuhusga sa kaninuman.
“Ang mahirap po talaga diyan is to dig in, para bang hukayin ang puno’t dulo ng mga sumbong na ito at mga akusasyon na ito, alam naman po natin na hindi naman po ganun kabukas ang kanilang mga gawain at kanilang mga ikinikilos, bagaman ganun hindi naman ibig sabihin na sila ay masama, ibig lang sabihin niyan talagang malakas ang tukso ng demonyo kahit sa loob at labas ng simabaha’y ito’y nangyayari.” Ani Cruz.
Para sa arzobispo, bilang isang Kristiyanong bansa, mas makabubuting ipanalangin na lamang ang mga nangyayari ngayon sa INC bilang pagtalima sa utos ng Diyos na nasa bibliya na mahalin ang kapwa.
“Na dapat po’y ipagdasal ang Iglesia ni Cristo para sila’y mabuo uli, para ang sugat sa kanilang kalooban ay gumaling muli at para sila’y magkaisa uli, ‘yun naman po ay sang-ayon sa utos ng Diyos na mahalin natin ang ating kapwa.” Dagdag ni Cruz.
Impluwensiya ng INC
Posibleng humina na ang impluwensiya ng Iglesia ni Cristo sa pagiging king maker nito tuwing panahon ng halalan.
Ito ang pananaw ni retired Archbishop Oscar Cruz bunsod na rin ng lumalaking populasyon ng INC na umaabot na sa ibayong dagat.
Gayunman, nilinaw ng arzobizpo na malaki pa rin ang nakikita niyang impluwensya ng pamunuan ng Iglesia para hikayatin o utusan ang kanilang mga miyembro na iboto ang napupusuan nilang kandidato.
Kilala ang Iglesia na takbuhan ng mga pulitiko upang makakuha ng maraming boto dahil sa ipinatutupad nitong bloc voting.
“Ngayon po at marami sila, siyempre habang dumadami mahirap nang pag-isahin ang kanilang kaisipan, at mahirap na sabihin sa kanila na ganito ang gawin at lahat ay susunod, so mukha po ang bloc voting ay hindi na kasing lakas ngayon tulad ng dati, sa isang salita may epekto pa pero hindi na ganun kalakas tulad ng dati.” Pahayag ni Cruz.
By Jaymark Dagala