Tila napunta sa bingi at bulag.
Ayon kay Legazpi City Bishop Joey Baylon, wala silang nakuhang anumang tugon sa ipinadala nilang sulat sa Pangulong Rodrigo Duterte kung saan umaapela silang itigil ang drug related killings at panagutin ang mga dapat managot sa mga naturang kaso.
Sa kaniyang pagbasa sa pastoral letter, sinabi ni Baylon na matigas ang puso ng Pangulong Duterte kaya’t hindi pinakinggan ang kanilang apela.
Iginiit ni Baylon na libu-libong buhay na ang nawawala sa ‘war on drugs’ at ang mga nangyayari aniya ngayon ay malayo sa pangakong pagbabago ng Pangulo lalo na’t maging ang korapsyon ay talamak pa rin.
Dismayado aniya sila sa ilang Kristiyano na sinusuportahan pa ang polisiya ng pagpatay at idinidepensa pa ito.