Nanawagan ang isang obispo ng Simbahang Katolika sa Court of Appeals (CA) na payagan ang Nueva Ecija Metrpolitan Trial Court na makuhanan ng salaysay ang Pinay drug convict na si Mary Jane Veloso mula sa Indonesia.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, chairman ng CBCP Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, dapat hayaan ng Appellate Court na ihayag ni Veloso ang katotohanan upang tuluyan na itong makalaya mula sa pagkakapiit.
Binigyang diin pa ni Bishop Santos, lalong nakadaragdag sa halip na mabawasan aniya ang sakit at pagdurusa ni Mary Jane ang naging desisyon ng Higher Court at ito aniya ang pinangangambahang maging susi sa kaniyang tuluyang pagkabitay.
Magugunitang binaliktad ng dating 11th Division ng CA ang ruling ni Judge Anarica Reyes ng Sto. Domingo, Nueva Ecija Regional Trial Court (RTC) na payagan si Mary Jane na makapagbigay ng kanyang testimoniya mula sa piitan nito sa Indonesia laban sa kanyang mga recruiter na sina Julius Lacanilao at Maria Cristina Sergio.