Hiniling ng Globe telecom sa National Telecommunications Commission (NTC) na obserbahan sa loob ng tatlong araw simula kahapon ang kanilang Sim Registration Portal.
Ito’y upang matiyak ang mas maayos na registration para sa kanilang customer matapos pansamantalang maging “inaccessible” ang Globe Sim Registration Portal na new.globe.com.ph/simreg.
Ayon sa nasabing telco, ipinarating na nila sa NTC ang nasabing issue sa Sim Registration Portal.
Inako rin ng Globe ang lahat ng sisi sa sinapit na aberya at handang harapin ang anumang regulatory penalty kung papatawan.
Umapela rin ang telco sa kanilang mahigit 87-M subscriber ng pasensya at pang-unawa kasabay ng pagtiyak na ginagawa ng kumpanya ang makakaya nito upang maibigay ang maayos na serbisyo sa kanilang customers.