Tiniyak ng Office of Civil Defense (OCD) na sapat ang suplay ng tubig sa mga residenteng apektado ng pag-alburoto ng Bulkang Mayon sa Bicol Region.
Ayon kay Diego Agustin Mariano Head ng OCD Joint Information Unit, naglagay na sila ng mga water filtration na tutugon sakaling kulangin ang mga portable water at malinis na tubig na maiinom ng mga residenteng nagsilikas.
Nakikipag-ugnayan narin ang ahensya sa OCD-5 upang matukoy at matugunan ang iba pang pangangailangan ng evacuees kabilang na ang malinis na palikuran, kuryente, at maayos na bentilasyon sa mga evacuation centers.
Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council aabot sa kabuuang 3,538 pamilya o katumbas ng 12,804 na indibidwal ang inilikas dahil sa patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Sa ngayon, aabot na sa halos P7-M halaga ng family food packs ang ipinamahagi ng OCD na binubuo ng mga bottled water, family tents, hygiene kits, at iba pa.