Naniniwala ang grupong OCTA research na naging epektibo ang dalawang linggong Enhanced Community Quarantine sa Metro Manila upang mapigilan ang mabilis na pagkalat ng COVID-19 delta variant.
Gayunman, kailangan anilang ipagpatuloy ang mga hakbang na ipinatupad noong may ECQ upang tuluyang mapabagal ang pagkalat ng virus.
Ito, ayon sa OCTA, ang paraan upang makamit ang downward trend sa bagong cases sa mga susunod na linggo.
Bagaman tumataas ang bilang ng mga bagong kaso, tuluy-tuloy naman ang pagbaba ng reproduction rate indikasyon na bumagal ang surge sa national capital region.
Batay sa datos ng OCTA mula Agosto 15 hanggang 21, ang 3,819 average daily cases sa Metro Manila ay 24 percent na mataas kumpara sa pitong araw na average noong Agosto 8 hanggang 14.
Ipinunto ng OCTA na nakatulong ang pagpapatupad ng lockdown sa bahagyang pagbaba ng kaso. —sa panulat ni Drew Nacino