MAHIGIT dalawang linggo na lamang bago ang halalan sa Mayo 9, napanatili ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., ang kanyang malaking lamang sa mga katunggali sa lahat ng nationwide survey ng mga respetadong survey firm sa bansa.
Base sa OCTA Research Tugon ng Masa survey nitong Abril 2-6 na ipinalabas nitong Linggo, nakakuha si Marcos ng 57 porsyentong voter preference mula sa 1, 200 respondents.
Mas tumaas pa ito ng dalawang porsyento kumpara sa kanyang 55 porsyentong voter preference nitong nakaraang Pebrero 2022.
Hindi ipinalabas ng OCTA Research ang kanilang survey nitong Marso sa dahilang kinumisyon umano ito ng isang pribadong kumpanya.
Nananatiling nasa malayong pangalawang pwesto si Leni Robredo na nakakuha ng 22 porsyento, Isko Moreno siyam na porsyento, Manny Pacquiao pitong porsyento; at Ping Lacson, apat na porsyento.
Napanatili rin ng standard-bearer ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) ang kanyang kalamangan sa halos lahat ng rehiyon tulad ng National Capital Region (NCR) kung saan nakakuha siya ng 35 porsyento, 66 porsyento naman sa Balance Luzon, 56 porsyento sa Visayas at 50 porsyento sa Mindanao.
Si Marcos din ang nangunguna sa lahat ng social class sa bansa matapos makakuha ng 52 porsyento sa Class ABC, 59 porsyento sa Class D, at 44 porsyento sa Class E.
Sa age group naman, si Marcos pa rin ang namayagpag matapos makakuha ng pinakamataas na 77 porsyento sa 18-24 taong gulang na botante; 62 porsyento sa 25-34 taong gulang,; 46 porsyento sa 35-44 taong gulang; 50 porsyento sa 45-54 taong gulang; 54 porsyento sa 55-64 taong gulang; 53 porsyento sa 65-74 taong gulang; at 36 porsyento sa 75 pataas na edad.
Sa katulad na survey na nag-leak nitong Marso ng Social Weather Station (SWS), nanatili ring “runaway winner” si Marcos sa karera sa pagkapangulo matapos tumaas pa ng walong porsyento ang kanyang voter preference.
Nanatiling matatag sa unang puwesto si Marcos na nakakuha ng 58 porsyentong voter preference nitong Marso 2022 survey na tumaas ng walong porsyento kumpara sa kanyang 50 porsyentong bilang nitong Enero 2022.
Nasa malayong pangalawa pa rin si Leni Robredo na mayroong 18 porsyentong voter preference nitong Marso o bumaba ng isang porsyento kumpara sa kanyang 19 porsyento nitong Enero.
Kapansin-pansin din patuloy ang pagtaas ng bilang ni Marcos habang papalapit ang halalan.
Noong Oktubre 2021, nakapagtala si Marcos sa SWS survey ng 47 porsyento, habang nitong Disyembre 2021 ay tumaas ang kanyang numero sa 51 porsyento.
Nitong Enero, nakakuha siya ng 50 porsyento bago tumaas sa 58 porsyento nitong Marso.
Nananatili naman si Robredo sa kanyang bilang na mas mababa sa 20 porsyento sa mga survey ng SWS simula Oktubre 2021 hanggang Marso 2022.
Nakapagtala siya ng 18 porsyento nitong Oktubre 2021, 14 porsyento noong Disyembre, at 19 porsyento nitong Enero at bumalik sa 18 porsyento nitong Marso.
Kamakailan lamang ay idineklara ng Pulse Asia na posibleng si Marcos ang kauna-unahang “majority president” sa bansa sa ilalim ng multi-party setup, matapos mapanatili ang malaking lamang laban sa kanyang mga katunggali.
Base sa resulta ng Pulse Asia survey nitong Marso, nanatiling matatag si Marcos sa unang posisyon matapos makakuha ng 56% voter preference.
Nasa malayong pangalawa si Leni Robredo na umiskor ng 24% habang si Isko Domagoso ay pangatlo na may 8%.
Si Manny Pacquiao, ay nakakuha naman ng anim na porsyento habang si Panfilo Lacson ay mayroong 2%.
Sa panayam kamakailan ng SMNI, sinabi ni Ana Tabunda, Research Director ng Pulse Asia, na tiila mahihirapan na ang kampo ni Robredo na makahabol kay Marcos dahil sa malaking lamang nito.
“Medyo mahirap po siya (para kay Robredo na humabol), kasi nga po itong huling pagtaas ni Leni ay nine points. Para po makahabol ay kailangang niya ng 16 points tapos kailangang mabawasan si BBM ng 16 points sa darating na araw bago ang eleksyon. Medyo mahirap siya (mangyari),” paliwanag pa niya.
“Maaring magbago, ang tanong e kung makakahabol pa. Hindi naman imposible pero medyo mahirap po kasi 32 points yung gap,” ayon pa sa research director.