Muling nagpaalala sa publiko ang OCTA Research Group hinggil sa pagsusuot ng face mask sa gitna ng tumataas na kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ito’y matapos makapagtala ng 15.2% positivity rate mula September 25 hanggang 30 na mas mataas ng tatlong beses sa 5% sa point of reference na itinakda ng World Health Organization (WHO).
Ayon kay OCTA Research Fellow Prof. Ranjit Rye, hindi nabibigyan ng kahalagahan ng publiko ang mga programa ng gobyerno dahilan kaya tumataas ang kaso ng COVID-19.
Sinabi ni Rye, na dapat maging mapagbantay ang publiko at ikunsidera ang pagsusuot ng face mask lalo na sa gitna ng tumataas na kaso ng nakakahawang sakit.
Iginiit ni Rye, na malaking tulong ang pagsusuot ng face mask lalo na kung nasa loob ng pampublikong sasakyan at mga establisyimento.
Sa kabila nito, naniniwala si Rye, na bababa ang kaso ng COVID-19 kung papahalagahan ng publiko ang mga programa ng gobyerno partikular na ang pagpapabakuna at pagsunod sa minimum health protocols.