Inihayag ng OCTA Research Group na muling tumaas sa 40% mula sa 31.7% ang positivity rate habang umabot naman sa 5 ang reproduction number sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay OCTA Research Fellow Prof. Dr. Guido David, ito umano ang pinakamataas na naitalang reproduction number at positivity rate sa pagpasok ng taong 2022.
Ang reproduction number ay tumutukoy sa bilang ng mga taong nahahawa sa isang kaso ng virus habang ang positivity rate naman ay sa porsiyento ng mga indibidwal na positibo sa COVID-19 sa kabuuang bilang na sumailalim sa test.
Aniya, isa sa naging sanhi ng pagtaas ay ang biglaang paglobo ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Paliwanag pa ni david na maaari itong bumaba kung mas paiigtingin ang pagbabakuna sa bansa at pagsunod ng publiko sa mga ipinatutupad na health protocols.